Posibleng mahigit kalahati ng mga miyembro ng Kamara de Representantes ang boboto pabor sa impeachment ni Vice President Sara Duterte, ayon kay House Deputy Speaker Janette Garin.
Ayon sa Kongresista, kung mangyayari raw ito ay lalampas sa kinakailangang 106 na boto ng Kamara upang maipasa ang impeachment complaint sa Senado para sa paglilitis.
Sinabi rin ni Garin na sa ilalim ng Lakas-CMD, may mahigit 80 miyembro na ito sa Kamara, posibleng 2/3 ang susuporta sa impeachment base sa ebidensyang inilatag sa mga pagdinig.
Gayunman, binigyang-diin niya na may ilang mambabatas na maaaring maimpluwensiyahan ng pulitika at kalagayan ng kanilang distrito, lalo na sa Mindanao.
Punto pa ni Garin na walang magiging iisang party stand ang Lakas-CMD at hahayaan ang mga miyembro nito na bumoto ayon sa kanilang konsensya.
Samantala, sinabi naman ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na inaasahan niyang mahigit kalahati rin ng party-list representatives ang susuporta sa impeachment complaint.
Sa kabilang banda, iginiit ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte na hindi dapat maimpluwensiyahan ng pressure ang boto ng mga mambabatas kasabay ng alegasyon na ginagamit umano ang budget at Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs), upang impluwensiyahan ang boto.
Pinabulaanan ito ng ilang kongresista at hinamon ang kampo ng bise presidente na humarap sa deliberasyon sa Kamara.
Patuloy namang inaasahan ng House Committee on Justice ang pagtatapos ng committee report at articles of impeachment, na tatalakayin bago isumite sa plenaryo.
Nakatakdang bumoto ang Kamara sa committee report sa darating na Mayo 11.
















