-- Advertisements --

Tinapos ng House of Representatives noong Biyernes ang plenary deliberations sa proposed 2027 budgets ng Department of Migrant Workers (DMW) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).

Sinuri ng mga mambabatas kung sapat ang pondo para sa mga programa para sa overseas Filipino workers (OFWs) at Indigenous Peoples.

May proposed new appropriations na P10.68 bilyon ang DMW at mga attached agency nito, kabilang ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Sa 2027 National Expenditure Program, P7.726 bilyon ang inilaan sa DMW at P4.349 bilyon naman sa OWWA.

Kabilang sa tinalakay ang Emergency Repatriation Fund na may panukalang P900 milyon, mas mababa ng P300 milyon kumpara sa P1.2 bilyong pondo nito. Ginagamit ang pondo para sa pagpapauwi sa mga distressed OFW na naapektuhan ng giyera, krisis at iba pang emergency sa ibang bansa.

Tinalakay rin ang iba pang programa ng DMW tulad ng legal at medical assistance, OFW Hospital, reintegration services, anti-illegal recruitment at anti-trafficking operations, at maritime skills services.

Samantala, tinapos din ng House ang deliberations sa P1.831 bilyong proposed budget ng NCIP.

Sinuri ng mga mambabatas ang mga programa para sa proteksyon ng ancestral domains at pagpapalakas ng serbisyo para sa Indigenous Cultural Communities at Indigenous Peoples.

Ayon sa House leadership, patuloy na susuriin ng mga mambabatas ang bawat panukalang pondo sa 2027 national budget upang matiyak na maayos na nailalaan ang pera ng bayan sa mga pangunahing pangangailangan ng mga Pilipino.