TOKYO, Japan – Nanalasa ang bagyong Dujuan malapit sa Tokyo, Japan na nagdulot ng malawakang pagbaha, pagguho ng lupa, at pagkaantala ng biyahe na nag-obliga sa higit 1.6 milyong residente na lumikas mula sa kanilang mga tahanan.
Taglay ng bagyo ang hanging may bilis na 144 kilometro kada oras habang kumikilos ito 130 kilometro sa timog ng Katsuura, dahilan upang mawalan ng kuryente ang libu-libong kabahayan at dalawang tao ang kinumpirmang nasawi batay sa ulat ng mga awtoridad.
Dahil sa matinding sama ng panahon, napilitang magkansela ng higit 270 biyahe ang mga pangunahing airline, bukod pa sa pagpapatigil sa operasyon ng ilang tren kabilang ang bullet train na nag-uugnay sa Tokyo at Osaka.
Ayon sa Japan Meteorological Agency (JMA), unti-unti nang lumayo ang bagyo patungong Aleutian Islands nitong Martes ngunit nananatili pa rin ang banta ng tuloy-tuloy na pag-ulan at posibleng paglampas ng rain volume sa karaniwang average para sa buong buwan ng Setyembre.
Epekto rin ng pagbaha ang maagang pagpapatigil sa sikat na show sa huling araw nito, kasama ang pagkakansela ng isang malaking outdoor music festival at isang baseball match sa Chiba.
Ang bagyong Dujuan ang ika-25 bagyo na pumasok sa Japan ngayong taon, kung saan karaniwang nakararanas ang bansa ng malalakas na bagyo kapag papalapit ang pagtatapos ng tag-init at simula ng taglagas.
















