-- Advertisements --

Naglabas ng mahigpit na babala ang Philippine Coast Guard (PCG) laban sa mga indibidwal na nagpapakilalang intermediary o binigyan umano ng basbas ng mga senior official upang manghimasok sa mga opisyal na transaksyon ng ahensya.

Sa isang abiso, mariing nilinaw ng PCG na wala silang binibigyang otorisasyon na sinumang pribadong tao o third party na makipagnegosasyon o humingi ng pabor sa ngalan ng Office of the Commandant.

Binigyang-diin ng ahensya na ang lahat ng komunikasyon, direktiba, at transaksyon ay dapat dumaan lamang sa mga itinakdang pormal na mekanismo at mga lehitimong tauhan upang maiwasan ang anumang iregularidad.

Layon ng pahayag na protektahan ang integridad ng proseso ng PCG laban sa mga nagtatangkang gamitin ang pangalan ng institusyon para sa pansariling interes.

Hinimok naman ng pamunuan ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang mga social media platforms o sa pinakamalapit na Coast Guard unit sa kanilang lugar.