-- Advertisements --

Bumaba si Filipina tennis star Alex Eala sa No. 49 na puwesto sa Women’s Tennis Association (WTA) live rankings, matapos mag-expire ang 390 puntos na kanyang nakuha sa semifinals ng Miami Open noong nakaraang taon.

Mula sa dating 1,525 puntos, bumaba na lamang sa 1,145 ang kanyang kabuuang puntos, dahilan ng pagbaba mula sa kanyang career-best na ika-29 na ranggo na naitala bago pa man mag-expire ang naturang puntos.

Bilang ika-31 seed ngayong taon, nakakuha si Eala ng first-round bye at awtomatikong nakapasok sa round of 64, kung saan nadagdagan siya ng 10 puntos.

Gayunman, hindi pa rin nito napunan ang malaking pagkawala mula sa nakaraang torneo. Sa sistema ng WTA, ang mga puntos ay awtomatikong nababawas makalipas ang 52 linggo at pinapalitan ng pinakabagong resulta ng isang manlalaro, kaya’t kritikal para kay Eala na makabawi sa kasalukuyang Miami Open upang muling makakuha ng mataas na puntos.

Ang pagbagsak ng ranggo ni Eala ay hindi dahil sa pagkatalo kundi sa expiration ng puntos, kaya’t inaasahang magiging mahalaga ang kanyang performance sa Miami Open ngayong taon upang maibalik ang kanyang puwesto sa Top 30 ng WTA rankings.