-- Advertisements --

Pinagbigyan ng prosekusyon ang hiling ng mga respondents sa mga reklamong isinampa ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa Department of Justice (DOJ) laban sa mga Villar at kanilang kumpanya.

Sa unang preliminary investigation, napagdesisyunan ng panel ng mga piskal na bigyan ng karagdagang panahon ang mga respondents upang maihain ang kani-kanilang ‘counter-affidavits’.

Unang humiling ang mga abogado ng respondents ng 15-araw na palugit, ngunit pinalawig ito ng prosekusyon sa higit isang buwan.

Paliwanag ni Senior Deputy State Prosecutor Peter Ong, isa sa mga kinonsidera ng panel ay ang nalalapit na Semana Santa o Holy Week.

Kaya’t itinakda ang susunod na preliminary investigation sa ika-20 ng Abril.

Ayon sa prosekusyon, sapat na ang ibinigay na panahon upang mapag-aralan ng kampo ng mga respondents ang reklamong isinampa ng SEC.

Kasabay nito, hinimok ni Ong ang mga respondents na huwag manumpa ng kanilang mga salaysay sa ibang piskal.

Bagkus, hiniling niyang personal na manumpa ang mga Villar at iba pang respondents sa harap mismo ng panel of prosecutors.

Inirekomenda rin ni Ong na sumunod ang mga ito sa itinakdang oras ng pagdinig, sa ganap na alas-dos ng hapon, upang maiwasan ang abala kung wala ang ilang opisyal sa kanilang mga tanggapan.

Dagdag pa niya, ang paghimok na panumpaan ang ‘counter-affidavits’ sa harap ng panel ay upang hindi na gumugol ng oras sa pagbeberipika kung ito’y galing lamang sa notary public o ibang piskal.

Kabilang sa mga inirereklamo ang Villar Land Holdings Corporation, Manuel Villar Jr., Cynthia Villar, Cynthia Javarez, Camille Villar, Mark Villar, at iba pa.

Nahaharap sila sa mga reklamong market manipulation, insider trading, at misleading disclosures.