Pinuri ni Deputy Speaker Paolo Ortega V si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa matatag at makatarungang paninindigan nito sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa, kasabay ng paglabas ng survey na nagpapakitang suportado ng karamihan ng mga Pilipino ang pagdepensa sa West Philippine Sea.
Ayon kay Ortega, kinukumpirma ng pinakahuling survey na naayon ang saloobin ng publiko ang posisyon ng administrasyon.
Ipinakita ng survey na 60 porsiyento ng mga Pilipino ang hindi nagtitiwala sa China, habang 13 porsiyento lamang ang nagsabing dapat itong pagkatiwalaan.
Lumabas din na 79 porsiyento ang itinuturing ang China bilang pinakamalaking panlabas na banta sa bansa.
Binigyang-diin ni Ortega na hindi lamang usaping geopolitikal ang West Philippine Sea kundi direktang nakaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda at sa seguridad sa pagkain ng bansa.
Dagdag pa niya, mahalaga ang patuloy na suporta sa Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, at mga komunidad sa baybayin sa pagsusulong ng karapatan ng bansa sa karagatan. (report by Bombo Jai)
















