-- Advertisements --

Iminungkahi ng Lawyers for Commuters Safety and Protection sa Kongreso na repasuhin ang mataas na multa sa ilalim ng Joint Administrative Order o JAO sa halip na ihinto ang pagpapatupad ng mga batas trapiko.

Ginawa ng grupo ang pahayag kasunod ng panawagan ni Swerte Partylist Representative Arlyn Ayon na pansamantalang itigil ang panghuhuli sa mga traffic violators sa gitna ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu, sinabi ni Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, na bagamat nauunawaan nila ang panawagang ihinto muna ang panghuhuli sa mga motorista, hindi umano ito ang tamang solusyon.

Ayon kay Atty. Inton, kapag tuluyang sinuspinde ang traffic enforcement, maaaring magdulot ito ng kaguluhan at kawalan ng disiplina sa mga lansangan.

Sa halip, sinabi ni Inton na dapat tutukan ng mga mambabatas ang pagrerepaso sa Joint Administrative Order o JAO.

Matagal na umanong pinupuna ng transport sector ang mataas na multa sa ilalim nito para sa mga paglabag sa batas trapiko at regulasyon sa public transport.

Dagdag pa niya, kung mababawasan o marepaso ang mga multa sa ilalim ng JAO, makatutulong ito sa mga driver at operator na nahihirapan sa patuloy na pagtaas ng gastusin sa operasyon.