-- Advertisements --

Nanawagan si Senator Erwin Tulfo na tiyaking makikinabang din ang milyun-milyong motorista sa planong suspensyon sa ng excise tax sa petrolyo na itinulak ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means noong Marso 11, nagbabala si Tulfo laban sa posibilidad na diesel lamang ang saklaw ng tax relief. Aniya, maraming maiiwanan na motorista, na gasolina ang ginagamit, kung lilimatahan lamang sa diesel ang sakop ng suspensyon ng excise tax.

Ayon pa sa senador, tinatayang nasa 8.5 milyon na Pilipino ang gumagamit ng motorskilo araw-araw bilang pangunahing transportasyon papasok sa trabaho o bilang kabuhayan.

Bilang tugon, sinabi ni Usec. Karlo Adriano ng Department of Finance na isasaalang-alang ng Development Budget Coordination Committee at ng Department of Energy (DOE) ang mungkahi upang magkaroon ng mas komprehensibong rekomendasyon para sa Pangulo.

Samantala, nagbabala din si Tulfo laban sa posibleng pamumulitika sa pamamahagi ng fuel subsidy.

Binigyang-diin ng senador na hindi dapat gamitin ng mga politiko ang krisis sa presyo ng langis para sa pansariling interes. Aniya, galing sa buwis ang perang ipamimigay sa taumbayan kung kaya dapat ay walang anumang interbensyon ng mga pulitiko sa pamamahagi nito.