Isang panukalang batas ang tinatapos ngayon ni Senator Erwin Tulfo na naglalayong magpataw ng milyun-milyong pisong multa at posibleng pagkabilanggo sa mga opisyal ng social media platforms na patuloy na pumapalya sa pagpapatupad ng kanilang sariling community standards laban sa mga graphic at marahas na nilalaman.
Ayon kay Tulfo, dapat na nasa milyones ang parusang multa dahil sa malalaking kumpanya ang sangkot, habang maaari ring managot at makulong ang kaniyang mga opisyal kapag paulit-ulit na nauulit ang mga paglabag sa bawat insidente.
Nasa 18 senador na umano ang nagpahayag ng suporta sa naturang panukala. Isinulong ito upang matugunan ang mabilis na pagkalat sa internet ng mga malagim at graphic na larawan ng mga biktima mula sa mga nakaraang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University at San Jose National High School sa Tacloban City.
Linaw ng senador, hindi layunin ng panukalang batas na supilin ang freedom of expression o freedom of information. Sa halip, layon nitong protektahan ang dignidad at privacy ng mga biktima, ng kani-kanilang pamilya, at ng iba pang sangkot mula sa mga marahas na larawan at video.
Sa kasalukuyan, patuloy na pinag-aaralan ng mga mambabatas kung aling ahensya ng pamahalaan ang dapat magkaroon ng hurisdiksyon sa pagpapatupad ng mga parusa at regulasyon sa mga online platform.
















