Sinabi ni Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee chair Panfilo “Ping” Lacson na bukas pa rin ang komite na pakinggan ang 18 indibidwal na nagpakilalang dating mga sundalo na nagsasabing nagdeliver ng umano’y P805-bilyon na kickbacks mula sa flood control projects sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno sa utos ng dating kongrisista na si Elizaldy Co, ngunit kailangan umano itama muna ang kanilang mga pahayag upang maging kapani-paniwala.
Ipinaliwang ni Lacson na kung ang mga naunang pahayag ng grupo ay pasok sa “realm of possibilities” o kapanipaniwala, matagal na sana silang naimbitahan sa komite upang magsalita sa pagdinig. Aniya, hindi sarado ang pintuan ng Blue Ribbon sa 18 indibidwal, ang kailangan lang ay itama nila ang kanilang mga pahayag upang hindi maging magulo ang pagdinig.
Tinukoy ng senador ang naunang alegasyon ng grupo na umabot sa P805 bilyon ang kabuuang cash na umano’y naipamahagi bilang kickbacks mula sa mga flood control projects sa matataas na opisyal ng gobyerno kabilang si dating House speaker Martin Romualdez. na aniyay mahirap paniwalaan ang nasabing halaga, hindi lamang sa laki nito kundi dahil na din sa hirap ng paghawak at paghatid ng ganoong kalaking pera.
Samantala, matatandaan din na nauna nang pinayuhan ni Lacson si Atty. Levito Baligod na siyang nagpresenta sa 18 dating sundalo, na suriin at itama ang kanilang affidavit.
Ayon sa senador, maari nilang bawiin o baguhin ang ilang mga bahagi ng kanilang mga pahayag kung may mga detalyeng hindi tama. at binigyang-diin na ang mahalaga ay mailapit sa realidad ang kanilang mga salaysay para hindi umano nagsasayang ng oras ang komite sa mga kasinungalingan.
Dagdag pa niya, kapag naitama ang mga affidavit at naging mas kapani-paniwala ang mga ito, handa siyang magpatawag ng pagdinig upang dinggin ang kanilang testimonya.















