Nanawagan si Cabinet Secretary Benhur Abalos na dapat makulong ang mga responsable sa umano’y substandard at palpak na flood control projects sa Bulacan.
Kasama si Public Works Secretary Vince Dizon, nagsagawa si Abalos ng inspeksyon sa mga binahang lugar sa Hagonoy at Paombong nitong Sabado, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa Paombong, nakita ng mga opisyal ang mga sirang bahagi ng seawall sa Barangays Masukol at Sta. Cruz na hindi na umano sapat para protektahan ang mga residente laban sa malalakas na alon at agos ng dagat.
Ayon kay Abalos, “masyadong binaboy ang Bulacan” at dapat managot at makulong ang mga nasa likod ng mga problemadong proyekto.
Batay sa DPWH transparency portal, anim na flood control projects ang naitayo sa Masukol at Sta. Cruz mula 2018.
Dalawa rito ay isinagawa ng mga kumpanyang pagmamay-ari ng Discaya na na-blacklist ng pamahalaan.
Samantala, isang P37.7-million revetment project sa Masukol ang dapat natapos noong Oktubre 2025, ngunit nasa 69 porsyento pa lamang ang completion nito ayon sa DPWH.
Iginiit ni Abalos na hindi dapat matapos sa simpleng inspeksyon ang imbestigasyon.
Sinabi naman ni Dizon na mapipilitang ayusin ng mga contractor ang mga sirang proyekto kung sakop pa ng warranty ang mga ito.
Iimbestigahan din umano ang anumang pagkakamali sa konstruksyon, pati na ang posibleng kapabayaan o anomalya.
Plano rin ng DPWH na maglagay ng hexapods sa mga vulnerable na lugar upang mabawasan ang epekto ng malalakas na alon at agos.
Kasabay nito, isinusulong ng pamahalaan ang mas malawak na flood-control master plan para sa Bulacan, kabilang ang Pampanga River Basin Master Plan at ang panukalang Manila Bay Coastal Defense Dike Project.















