-- Advertisements --

Ipinadala na ng pamahalaan ang isang pangkat ng police officers sa Cambodia upang tugisin ang puganteng gambling tycoon na si Atong Ang, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla.

Ayon sa kalihim, posibleng tumakas si Ang patungong Cambodia o Thailand upang iwasan ang pag-aresto hinggil ng mga kasong kidnapping na may kaugnayan sa pagkawala ng 34 na sabungero, kahit iginiit ng Bureau of Immigration na wala itong rekord ng pag-alis ng bansa.

Sinabi ng kalihim na sinusuri ng pulisya ang lahat ng posibilidad at nakikipag-ugnayan na sa mga awtoridad sa Cambodia upang alamin ang posibleng kinaroroonan ni Ang.

Inamin niyang wala pang natatanggap na intelligence report, ngunit naniniwala siyang may sapat na pera si Ang, na tinatayang ₱10 bilyon, na maaaring gamitin niya upang makaiwas sa mga awtoridad.

Sa loob ng nakaraang dalawang linggo, nagsagawa na ang kapulisan ng raid sa hindi bababa sa 18 lokasyon sa iba’t ibang parte ng bansa para tuntunin si Ang, subalit hindi pa rin ito natatagpuan.

Nakatanggap na rin ang CIDG-NCR ng 40 tip mula sa mga impormante, karamihan ay tumuturo sa Metro Manila, Central Luzon, CALABARZON at Bicol Region, bagama’t hindi pa lahat ay beripikado.

Nauna nang naglabas ng warrant of arrest laban kay Ang ang mga korte sa Laguna at Batangas, ngunit iginiit ng kampo ni Ang na ito ay premature.

Samantala, nasa kustodiya na ng gobyerno ang lahat ng 21 kapwa-akusado ni Ang.