-- Advertisements --

Lumitaw ang ilang ulat na nagbitiw na si Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco at nagpaabot ng farewell message sa kaniyang mga kasamahan sa ahensya.

Ayon sa source ng Bombo Radyo, nakahanap na umano ang Malacañang ng kapalit at posibleng humalili sa kaniya si trade diplomat Dita Angara-Mathay.

Ang balitang ito ay kasunod ng mga batikos na natanggap ni Frasco dahil sa umano’y “self-promotion” umano sa mga tourism materials ng gobyerno, bagay na mariin niyang itinanggi.

Giit ng kalihim, walang ginastos na pera ng bayan sa mga materyales at inisyatibo lamang ito ng mga pribadong indibidwal at grupo.

Sa kabila ng mga ulat, wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa Malacañang hinggil sa pagbibitiw ni Frasco.

Gayunpaman, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na maglalabas sila ng anunsyo bukas, Biyernes, kaugnay sa usapin.

Ang pangalan ni Frasco ay matagal nang nadadawit sa kontrobersya dahil sa madalas na paglitaw sa posters at magazines, ngunit iginiit niyang bahagi lamang ito ng mga pribadong inisyatibo at hindi mula sa pondo ng gobyerno.

Hinala pa ng ilang mambabatas, baka raw may plano sa politika ang Tourism secretary, lalo’t ang pamilya nito ay nasa larangan din ng politika.

Sa ngayon, nananatiling nakabinbin ang opisyal na posisyon ng Palasyo hinggil sa kaniyang pagbibitiw at posibleng kapalit sa DOT.