Nakapagrehistro ang mga supermarket ng ‘excessive purchases’ o labis-labis na nangyaring bilihan ng basic commodities ngayong lingo.
Ayon kay Philippine Amalgamated Supermarkets Association President Steven Cua, naitala sa mga supermarket ang mas mataas na bulto ng pagbili ng mga produkto kaysa sa karanaiwan.
Gayonpaman, hindi naman naging tuloy-tuloy ang pagdagsa ng mga konsyumer aniya, batay na rin sa sariling monitoring ng mga supermarket.
Inaasahan din ng grupo na muling sisipa ang dagsa ng mga konsyumer ngayong weekend kasabay ng payday, lalo na sa mga nasa government sector.
Sa kasalukuyan ay may ilang supermarket na ring naglimita sa bulto ng mga produktong maaaring bilhin ng kanilang kliyente, tulad ng ginagawa ng mga gasoline station.
Ito ay upang maiwasan ang pagkaubos ng mga produkto, lalo na at marami rin aniya ang mga maliliit na store o outlet na bumibili ng bulto-bultong produkto na kanila ring ibebenta sa ground level.
Sa kabila nito, nananatili aniyang mataas ang stock ng basic commodities at iba pang mga produkto.
Nananatili aniyang mataas ang inventory ng mga store kung saan ilan ay umaabot sa hanggang pitong araw ang stock habang ang iba ay mas mataas pa.














