Nanantiling mabagal ang paggasta ng mga konsyumer ngayong holiday, sa kabila ng papalapit na araw ng Pasko.
Ito ay batay sa realtime monitoring ng Philippine Amalgamated Supermarkets Association (PASA).
Ayon kay PASA President Steven Cua, hindi pa gaanong nakakapagrehistro ang mga supermarket, mall, at retail outlets ng malalaking bulto ng mga produktong binibili, sa kasalukuyan.
Tanging mga bultuhang pagbili pa lamang mula sa malalaking kumpaniya at mga negosyante, ang sa ngayon ay naitatala ng mga kumpaniya. Ang mga bulk purchase na ito ay pawang ipamimigay sa mga empleyado bilang Christmas giveaways.
Sa kabila nito, inaasahan ng naturang grupo na magsisimulang magdagsaan ang pami-pamilya sa mga retail outlet at malls, apat na araw bago ang Pasko o mas maikli pa.
Nasanay na aniya ang marami na magmadali sa pamimili habang ang iba naman ay walang sapat na oras upang bumuli dahil sa kanilang trabaho.
Sa kasalukuyan, wala aniyang pangangailangan para itaas ang presyo ng mga bilihin. Nananatili aniyang sapat ang supply at stock ng mga produkto para tugunan ang demand o pangangailangan sa kabuuan ng holiday season.
















