Lumabas sa mga dokumentong inilabas ng United States Department of Justice (DOJ) na umanong nag-hire ang yumaong sex offender na si Jeffrey Epstein ng isang team na naka-base sa Pilipinas upang burahin at takpan ang mga negatibong impormasyon tungkol sa kanya sa internet.
Batay ‘yan sa mga dokumentong nakalap ng Estados Unidos, kabilang na ang mga email exchange nina Epstein at ni Al Seckel, na asawa ng kapatid ni Ghislaine Maxwell—ang dating kasintahan at pangunahing katuwang ni Epstein sa pangangalap ng mga menor de edad.
Si Maxwell ay nahatulan noong 2021 kaugnay ng sex trafficking crimes ni Epstein.
Sa mga email, inilarawan ni Seckel ang isang organisadong kampanya upang itago ang umano’y mga krimen ni Epstein sa online search results. Kabilang na rito ang pag-gawa ng mga positibong link tungkol kay Epstein.
Sa isa pang email noong Disyembre 7, 2010, sinabi ni Seckel kay Epstein na natanggal na umano sa Google search suggestions ang mga terminong “Jeffrey Epstein jail” at “Jeffrey Epstein pedophile,” na tinatrabaho raw nang isang Philippine-based team.

“Our group in the Philippines is building links and links to our sites, pseudo sites, and the other Jeffrey Epsteins of the world,” ayon kay Seckel sa isang email noong Oktubre 2010.
Ayon sa U.S. DOJ documents, lumikha ang grupo ng maraming website at web pages na nagpapakita kay Epstein bilang isang philanthropist, nag-popondo ng mga project na may kinalaman sa Science, at maski sa sports.
Nabatid na ang mga pahinang ito ay pinagdugtong-dugtong gamit ang libo-libong links upang manipulahin ang resulta ng mga search engine.
Inilahad pa ni Seckel na mahalaga ang pag-edit sa tala ng buhay ni Epstein sa Wikipedia page. Sa isang email noong Disyembre 16, 2010, sinabi niyang “important victory” ang pagkontrol sa nilalaman nito dahil madalas itong lumalabas sa search results sa internet.
‘Now the head lines do not mention convicted sex offender or pedophile. Instead, Philanthrophic work, Epstein Foundation, Promotion of Scientists,’ ayon kay Seckel.
Magugunitang si Jeffrey Epstein ay inaresto noong 2019 sa kasong sex trafficking at pang-aabuso sa mga menor de edad sa US at iba pang bansa. Siya ay namatay habang nakakulong sa New York jail noong parehong taon habang hinihintay ang kanyang paglilitis.
















