Isang pasahero ang inaresto matapos umanong magbiro tungkol sa bomba habang sakay ng isang eroplano sa Tacloban Airport sa Leyte noong Huwebes.
Ayon sa ulat, tinanong ng isang cabin crew ang pasahero kung mayroon siyang power bank sa kanyang bag. Sumagot umano ang pasahero na wala siyang power bank at nagbiro na mayroon lamang siyang bomba.
Nagdulot naman ng pangamba sa mga kapwa pasahero ang naturang biro. Agad itong ipinaalam ng cabin crew sa piloto at mga awtoridad.
Dahil dito, pinababa muna ang lahat ng pasahero at isinailalim sa masusing inspeksyon ang kanilang mga hand-carry bag.
Pinangunahan ng mga miyembro ng Eastern Visayas Police Explosive Ordnance Disposal (EOD) team at K9 unit ang security inspeksyon sa lugar.
Muling ipinagpatuloy ang mga flight matapos ideklara ng mga awtoridad na ligtas na ang paliparan at walang nakitang pampasabog o anumang mapanganib na materyales.
Samantala, nananatili sa kustodiya ng mga awtoridad sa Tacloban Airport ang suspek habang isinasagawa ang kaukulang imbestigasyon.
















