-- Advertisements --

Nagbabala ang Department of Education na hindi na papayagang makapag-enroll sa susunod na school year ang mga estudyanteng gumagawa ng bomb threat o kahit bomb joke.

Ayon sa DepEd, kabilang ito sa third level offense, ang pinakamataas na antas ng paglabag, dahil nagdudulot ito ng panic, naaantala ang klase, at maaari pang humantong sa kasong kriminal.

Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na hindi kailanman dapat ituring na biro ang bomb threats, mapanganib na prank, at fake news dahil nalalagay sa panganib ang kaligtasan ng mga mag-aaral at naaapektuhan ang pag-aaral.

Sa ilalim ng DepEd Order No. 006, series of 2026, ang unang paglabag ay magreresulta sa non-readmission, kung saan matatapos pa ng estudyante ang kasalukuyang school year ngunit hindi na siya makapag-e-enroll sa susunod na taon at ire-refer sa mga kaukulang ahensya.

Ang ikalawang paglabag naman ay hahantong sa agarang exclusion o pagtanggal sa paaralan.

Samantala, ang pagpapakalat ng fake news o prank na nagdudulot ng kalituhan sa paaralan ay itinuturing na minor offense at may kaukulang parusa depende sa dami ng paglabag.

Inilabas ng DepEd ang babala matapos kumalat ang fake news hinggil sa umano’y pamamaril sa Bagong Silangan High School sa Quezon City, na nagdulot ng panic sa mga magulang at estudyante.

Lumalabas sa imbestigasyon na isang malakas na ingay mula sa katabing construction site ang napagkamalang putok ng baril, habang patuloy na tinutukoy ng mga awtoridad ang pinagmulan ng fake messages.