Arestado ang isang empleyado ng Cauayan Airport sa Isabela matapos umano itong magbiro na may bomba sa kanyang sasakyan habang papasok sa paliparan.
Ayon sa Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP), naganap ang insidente noong Hulyo 24 nang sabihin umano ng suspek na may bomba sa likurang bahagi ng kanyang sasakyan.
Dahil sa naturang biro, agad na ipinatupad ng mga awtoridad ang standard aviation security protocols upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at empleyado sa paliparan.
Agad ding nagsagawa ng inspeksyon ang mga tauhan ng PNP-AVSEGROUP kasama ang Explosive Ordnance Disposal (EOD) at K9 units ng Philippine National Police sa sasakyan ng empleyado.
Matapos ang masusing pagsusuri, walang natagpuang anumang pampasabog sa sasakyan.
Sa kabila nito inaresto parin ang empleyado sa paglabag sa Presidential Decree No. 1727 o Anti-Bomb Joke Law, na nagbabawal sa paggawa ng mga bomb joke na maaaring magdulot ng panic at panganib sa publiko.
Kasalukuyan nang inihahanda ng mga awtoridad ang isasampang kaso laban sa empleyado.
















