Pinayagan ng Pasay City Regional Trial Court na magpiyansa si Leo Gonzales, ang SUV driver na sangkot sa nakamamatay na aksidente sa NAIA Terminal 1, matapos magbayad ng P100,000 bail.
Nahaharap siya sa kasong reckless imprudence na nagresulta sa double homicide, matinding pinsala sa katawan, at pagkasira ng ari-arian dahil sa insidente noong Mayo 4, 2025.
Sinabi ng Manila International Airport Authority (MIAA) at Philippine National Police Aviation Security Group na nakatanggap sila ng impormasyon ukol sa kautusan ng korte na nagpapalaya kay Gonzales.
Matatandaang sinabi ni Gonzales na siya ay nag-panic nang biglang lumitaw ang isang sasakyan sa harap niya, ngunit taliwas ito sa CCTV footage dahil walang ibang sasakyan bago ang aksidente.
Pansamantalang sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang kanyang lisensya sa loob ng 90 araw habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Dahil sa insidente, muling napag-usapan ang mga hakbang sa kaligtasan sa kalsada, kaya inatasan ng Department of Transportation (DOTr) ang pagsusuri sa mga security bollards sa NAIA upang maiwasan ang ganitong trahedya sa hinaharap.