Inamin ng New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) ang napipintong pagtataas ng passenger service charge sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Giit nila, ang gobyerno ang nagtakda nito sa ilalim ng Manila International Airport Authority (MIAA) Administrative Order Number 1 Series of 2024, na inaprubahan ng Department of Transportation (DOTr) at ng mismong gabinete.
Ayon sa private firm, ang makokolekta sa bagong rates ng passenger service charge ay mapupunta direkta sa airport operation at sa pagpapahusay ng serbisyo para sa mga pasahero.
Ngayon lang din umano magtataas ng singil makalipas ang mahigit 20 taon.
Simula Setyembre ay magiging P950 na ang international passenger service charge mula sa kasalukuyang P550 habang ang domestic passenger service charge naman ay nasa P390 na mula sa kasalukuyang P200 lang.
Hindi naman sisingilin nito ang mga overseas Filipino worker (OFW) bilang bahagi ng konsiderasyon.