-- Advertisements --

Iginiit ni Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon na walang batas na nagbibigay ng awtoridad sa Land Transportation Office (LTO) para kumpiskahin ang mga pribadong e-bikes at e-trikes.

Kaugnay ito ng nakatakdang pagpapatupad ng LTO sa pagbabawal ng mga e-bikes at e-trikes sa mga pangunahing kalsada pagsapit ng Disyembre.

Ayon kay Ridon, hindi obligadong magparehistro sa Department of Transportation (DOTr) o sa alinmang ahensya ang mga e-bike at e-trike na ginagamit para sa pribadong transportasyon, batay sa Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA Law). Tanging mga for-hire electric vehicles lamang ang kailangang magparehistro upang makapag-operate.

Binigyang-diin ng kongresista na dapat pag-ibahin ng DOTr ang mga pribadong unit at mga for-hire na light electric vehicles (LEV) dahil magkaiba ang paraan ng regulasyon para sa mga ito. Dagdag pa niya, wala ring batas na nagbabawal sa mga electric vehicle—pribado man o for-hire—na dumaan sa mga pangunahing kalsada, at sa katunayan ay pinahihintulutan ito ng EVIDA Law.

Kinuwestiyon din ng mambabatas ang pagbanggit ng LTO sa DOTC-LTO Memorandum Circular 89-105 ukol sa mga impoundable violations, dahil hindi umano maaaring mangibabaw ang isang circular sa pambansang batas tulad ng EVIDA.

Samantala, matatandaan na unang inihayag ang panukala sa isinagawang plenary budget hearing sa Senado para sa DOTr, kung saan binigyang-katwiran ng LTO ang kanilang hakbang dahil sa kawalan ng lisensya at umano’y mga panganib sa kaligtasan ng mga pamilyang gumagamit ng e-bikes at e-trikes sa malalaking kalsada.