Iginiit ng kinatawan ng mga biktima ng war on drugs sa International Criminal Court (ICC) na ang mga nasawi ay hindi lamang numero kundi mga taong malubhang nilabag ang karapatan.
Sa ikalawang araw ng confirmation of charges laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC, kinatawan ni Paolina Massidda ang mga biktima ng extrajudicial killings.
Aniya, nagsasalita siya para sa mga pamilyang hindi makakadalo sa pagdinig, mga inang naglibing ng anak, mga batang naulila, at mga asawang naiwan, na matagal umanong nabuhay sa takot at pananahimik.
Binigyang-diin niya na ang mga biktima ay humaharap bilang mga taong ang karapatan sa ilalim ng Rome Statute ay nilabag, hindi bilang simpleng numero lamang sa ulat.
Binasa rin niya ang testimonya ng isang ina na hindi pinayagang mahawakan ang bangkay ng anak at sinabing hindi ito nabigyan ng dignidad kahit sa kamatayan.
Iginiit ni Massidda na ang mga pagpatay ay malawakan, sistematiko, at planado, at sinuportahan ang pahayag ng prosekusyon na may pananagutan si dating Pangulong Duterte sa crimes against humanity.
















