Pinag-aaralan na ngayon ng pamahalaan ang isang panukala na magbibigay sa Pangulo ng kapangyarihang pansamantalang bawasan ang excise tax sa petroleum products sakaling lumampas sa $80 kada bariles ang presyo ng Dubai crude sa world market.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr matapos humarap sa mga miyembro ng Malacanang Press Corps.
Ayon sa Pangulo, nakatakda niyang talakayin ang panukalang ito sa liderato ng Kamara at Senado bilang isang posibleng emergency measure upang agad na makatugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Binigyang-diin naman ni Pangulong Marcos na hindi ito magiging permanenteng polisiya at agad ding aalisin kapag humupa na ang krisis.
Naniniwala ang Pangulo na mahalagang magkaroon ng ganitong “tool” ang pamahalaan upang mapigilan ang mas matinding epekto ng oil price shocks sa presyo ng mga bilihin at sa ekonomiya.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang Department of Energy sa mga kumpanya ng langis upang tiyaking ang anumang ipatutupad na dagdag-presyo ay gagawin sa staggered o paunti-unting paraan.
Layunin nitong maiwasan ang biglaang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo na direktang nakaaapekto sa mga manggagawa at mamimili.
Siniguro naman ng Pangulo patuloy na naghahanda ang gobyerno ng mga interventions upang maibsan ang epekto ng posibleng oil price hike sa publiko.
















