-- Advertisements --

Nanawagan si Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na papanagutin si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste dahil sa umano’y pagsisinungaling at pagpapakalat ng fake news kaugnay ng paratang laban sa kaniya ukol sa budget insertions sa 2025 national budget.

Iginiit ni Ridon na malinaw sa mga transcript ng panayam na siya mismo ang itinuro ni Leviste, kaya’t dapat umano itong managot at itama ang maling pahayag.

Giit naman ni Leviste, ang kanyang naunang pahayag ay tumutukoy sa Bicol Saro party-list at hindi kay Ridon bilang indibidwal.

Hinamon din ni Leviste si Ridon na silipin umano ang mga road projects na nagkakahalaga ng P150 milyon sa Camarines Sur, at nanawagan ng Public Accounts Committee hearing upang talakayin ang usapin. Dagdag pa niya, hindi umano dapat pahintulutan ng media na mailihis ang isyu sa pamamagitan ng pagsasabing party-list at hindi personal ang pananagutan.

Kaugnay ng posibleng pagsasampa ng ethics complaint o kaso, sinabi ni Ridon na maaari itong mangyari sa tamang panahon, ngunit kailangan muna aniyang managot at magbigay linaw ni Leviste sa kanyang mga paratang dahil nakasalalay dito ang kredibilidad ng mambabatas.

Tinanggihan naman ni Ridon ang panawagan na magbitiw siya bilang chair ng House Committee on Public Accounts, at sinabing “out of the question” ang resignation, bagama’t bukas siya sa recusal kung kinakailangan.

Hinamon din ni Ridon si Leviste na patunayan ang kanyang mga alegasyon at linawin ang umano’y awtoridad nito sa pagkuha ng mga dokumento mula sa pumanaw na si dating DPWH undersecretary Maria Catalina Cabral na naglalaman umano ng listahan ng mga proponent sa maanomaliyang flood control projects.