-- Advertisements --

Bubusisiin ng House of Representatives kung paano gingastos ang nalilikom na bilyun-bilyong halaga ng travel tax.

Ito ang inihayag ni House Tourism Committee Vice Chairperson at Palawan Rep. Gil Acosta kasunod ng inihaing panukala ni House Majority Leader at Presidential son Sandro Marcos para tanggalin ang travel tax sa bansa.

Ayon kay Rep. Acosta, dapat na suriin pareho ang paggastos sa travel tax revenues bago at pagkatapos ng COVID-19 pandemic para matukoy kung ang mga ito ay maayos na nailalaan at nagagamit para sa pagpapaunlad sa industriya ng turismo.

Saad ng mambabatas, nasa P4 billion hanggang P5 billion ang average travel tax collection kada taon kung saan napupunta ang nalilikom na halaga sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority, Commission on Higher Education at cultural heritage sector.

Aniya, ilan sa mga isyung dapat masusing silipin ng Kongreso ay ang biglaang pagbaba ng koleksiyon mula 2020 hanggang 2023 dahil sa mga restriksiyon na ipinatupad sa kasagsagan ng pandemiya, kayat mahalaga aniyang muling masuri kung paano ginugol ang mga pondo sa mga nakalipas na taon at kung ano ang epekto nito sa turismo.

Binanggit din ng mambabatas ang isa sa pangunahing island destinations ng mga turista sa bansa, ang Palawan na aniya’y limitado ang government-built facilities tulad ng tourism comfort room.

Kaugnay nito, ayon kay Rep. Acosta plano ng tourism committee na siyasatin ang naturang concerns sa gitna ng mga debate kung dapat na nga bang ireporma ang ilang dekadang travel tax o tuluyan nang alisin.