-- Advertisements --

Hinimok ni dating Supreme Court Associate justice Antonio Carpio ang kabataan at mamamayan na manguna sa pagsusulong ng anti-political dynasty law sa pamamagitan ng people’s initiative, sa halip na umasa lamang sa mga mambabatas.

Sinabi ni Carpio na mahalaga ang pagkilos ng publiko upang mabago ang sistemang nagbibigay ng kapangyarihan sa iilang pamilya.

Sinuportahan din ng mga lider ng simbahan ang kampanya, at iginiit na ang monopolyo ng kapangyarihan ay nakaaapekto sa patas na paggamit ng pondo at oportunidad para sa mga bagong lider.

Nagsimula na rin ang pagsasanay sa mga boluntaryong magsasagawa ng mga talakayan sa mga komunidad, paaralan at parokya.

Sa ilalim ng panukalang “Dapat isa lang” (d1l) genuine anti-political dynasty law, lilimitahan sa isang miyembro ng pamilya hanggang Fourth degree of consanguinity o affinity ang maaaring tumakbo o humawak ng posisyon sa pambansang antas, at sa parehong lalawigan sa lokal na antas.