-- Advertisements --

Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 7239 o ang “Line Workers Insurance and Benefits Act” na naglalayong bigyan ng mandatory insurance coverage ang libu-libong electrical at telecommunications line workers sa bansa.

Sa botong 197-0, inaprubahan ang panukala bilang pagkilala sa delikadong trabaho ng mga line workers na itinuturing na “vital link” sa suplay ng kuryente at komunikasyon na nagpapatakbo sa ekonomiya.

Mga Benepisyo sa Ilalim ng Panukala: Compulsory Insurance: Sasagutin ng mga employer ang premium para sa life, accident, at disability insurance ng mga kawani.

Halaga ng Coverage: Ang minimum na insurance benefit ay nakadepende sa laki ng kumpanya:
Electric Cooperatives: Mula ₱200,000 (small) hanggang ₱1 milyon (mega large). Private Distribution Utilities (PDUs): ₱1.5 milyon.
National Transmission Corp. / Grid Operator: ₱2 milyon.
Karagdagang Tulong: Bukod sa insurance, obligadong magbigay ang mga employer ng retirement benefits, mortuary assistance, at reimbursement ng medical expenses para sa mga pinsalang natamo habang nasa tungkulin.

Ayon kay House Majority Leader Sandro Marcos, isa sa mga pangunahing may-akda, nararapat lamang na makatanggap ng sapat na proteksyon ang mga line workers maging sila ay regular, contractual, o job order dahil sa panganib na kanilang hinaharap sa pag-aayos ng mga linya ng kuryente at kable sa ilalim ng lupa.

Saklaw ng panukala ang lahat ng line workers sa mga telecommunications companies, power line contractors, private utilities, at electric cooperatives sa buong Pilipinas.