-- Advertisements --

Nangako si Ka-Mangagawa Partylist Rep. Eli San Fernando na susuportahan ang isinusulong ngayon na panukalang hindi bigyan ng sahod ang mga mambabatas na hindi pumapasok.

Ang naturang panakula ay unang inihain nitong nakalipas na lingo ni presidential son at House Majority Leader Rep. Sandro Marcos.

Ayon kay San Fernando, panahon na upang ituring ang mga mambabatas bilang mga regular na mangagawa at iparanas sa kanila ang ‘no work no pay’ rule na karaniwang nararanasan ng mga nagtatrabaho sa pribadong sektor, mga job order, at mga contractual worker.

Binigyang-diin ng partylist lawmaker na marami sa kaniyang mga kapwa mambabatas ang absentee at mas pinipiling lumiban sa sesyon.

Hindi aniya itinuturing na special ang mga ito, kaya’t nararapat lang na hindi ibigay sa kanila ang kanilang sasahurin sa araw na sila ay lumiban sa trabaho.

Hindi rin aniya akma ang kalimitang idinadahilan ng ibang mga mambabatas na mayroon silang constituent work o nagtatrabaho sa kani-kanilang sariling distrito.

Aniya, Lunes hanggang Miyerkules lamang ang session days ng mga mambabatas kaya’t hindi katanggap-tanggap na liliban pa ang mga ito sa tatlong araw na dapat makibahagi sila sa sessyon ng Kamara.