Tumama na sa kalupaan ng Bohol ang sentro ng Tropical Depression “Basyang” ngayong hapon, partikular sa bayan ng Bilar.
Ayon sa state weather bureau, taglay ng bagyo ang lakas ng hanging umaabot sa 55 km/h malapit sa sentro at bugso na hanggang 75 km/h, habang kumikilos ito pa-kanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 km/h.
Dahil dito, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao.
Sa Luzon, kabilang ang Occidental at Oriental Mindoro, Romblon, hilagang Palawan, Cuyo Islands, Cagayancillo Islands, Calamian Islands, at ilang bayan sa Masbate.
Sa Visayas, nakataas ang babala sa Eastern Samar, Samar, Guimaras, Iloilo, Capiz, Antique, Aklan, Biliran, Bohol, Cebu, Negros Occidental, Negros Oriental, Leyte, Southern Leyte, at Siquijor.
Sa Mindanao naman, apektado ang Dinagat Islands, Surigao del Norte, Agusan del Norte, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Camiguin, at ilang bayan sa Zamboanga del Norte.
Pinapayuhan ng mga awtoridad ang publiko na mag-ingat sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng malakas na ulan na dala ng bagyo.
















