-- Advertisements --

Nanindigan ang International Criminal Court (ICC) na itutuloy nito ang pagpapatupad ng kaniyang mandato kaugnay ng nakatakdang paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng mga ipinataw na malawakang sanksyon ng pamahalaan ng Estados Unidos.

Ayon kay ICC President Tomoko Akane, patuloy na gagamitin ng hukuman ang kaniyang buong kapangyarihan nang may kalayaan at pagiging patas, batay lamang sa batas at mga ebidensya, para sa kapakanan ng napakaraming biktima ng mga seryosong krimen.

Nakatakda ang paglilitis kay Duterte sa Nobyembre 30 sa The Hague, Netherlands kaugnay ng mga sakdal na crimes against humanity dahil sa mga kaso ng pagpatay sa ilalim ng kaniyang kampanya laban sa iligal na droga.

Ipinahayag ng tribunal ang naturang paninindigan matapos maglabas ng mga panibagong paghihigpit at sanksyon ang administrasyon ni US President Donald Trump laban sa operasyon ng pandaigdigang hukuman.

Nananatiling matatag umano ang ICC sa kaniyang layunin na magbigay ng katarungan sa kabila ng panggigipit sa pananalapi at pampulitika mula sa ilang malalaking bansa.