Tatlong indibidwal, kabilang ang dalawang bata, ang nasawi habang isa naman ang himalang nakaligtas matapos matabunan ng landslide ang isang kabahayan sa Sitio Riverside, Barangay Pulangbato, Cebu City, tanghali, Oktubre 9, 2026.
Narekober ng mga awtoridad ang mga labi nina Judith Bunghanoy, 60, at ng dalawang batang sina Kayden Avery, 5, at Xian Kyrie Caballero, habang patuloy namang nilalapatan ng lunas sa ospital ang nag-iisang nakaligtas na si Julie Pearl Andamon, 38, na nagtamo ng mga pinsala sa katawan.
Inihayag ni Cebu City Councilor Dave Tumulak, chairperson ng Committee on Disaster Risk Reduction and Management, na sasagutin ng pamahalaang lungsod ang lahat ng gastusin sa pagpapalibing ng mga nasawi gayundin ang mga panggastos sa ospital para sa recovery ni Andamon.
Binigyang-diin ng konsehal na nagdudulot ng matinding banta sa mga emergency responder at residente ang tuloy-tuloy na pag-ulan dahil sa patuloy na paggalaw ng lupa at pagkahulog ng malalaking bato sa lugar.
Dahil sa panganib ng panibagong pagguho, pansamantalang inilikas ang 35 pamilya sa Barangay Pulangbato Gymnasium habang ipinagpapatuloy ng Mines and Geosciences Bureau (MGB-7) ang opisyal na pagsusuri sa lebel ng panganib sa lupa sa lugar.
















