-- Advertisements --

Mariing itinanggi ng House prosecution na na-coach ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) Secretariat Executive Director Ronel Buenaventura bago ito humarap bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House prosecutor at Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon, na hindi na kailangan pang turuan si Buenaventura dahil mahusay ito. 

Nagtapos si Buenaventura ng abogasya sa Bulacan State University noong 2015 at nagtapos na ika-10 sa Bar examinations noong taon ding iyon.

Naging tanong sa pagdinig kanina ang ilang halimbawa sa presentation slides ng prosecution na kapareho ng mga binanggit ni Buenaventura bilang mga palatandaan ng kahina-hinalang transaksyon. 

Kinuwestiyon ito ni defense lawyer Mark Vinluan, pero nilinaw niyang hindi niya inaakusahan ang sinuman na may ginawang mali.

Ipinaliwanag naman ni private prosecutor Mae Divinagracia na nakabatay ang mga slide sa mga patakaran at reporting guidelines ng AMLC na naibigay na sa prosecution. 

Kabilang sa mga red flag na binanggit ni Buenaventura ang malalaki at madalas na cash withdrawal, mabilis na paglipat ng pera at paghahati ng malalaking transaksyon para maiwasan ang reporting requirements.

Kinumpirma rin ni Buenaventura na sumunod ang AMLC sa subpoena para sa mga financial record na may kaugnayan kay Duterte, sa kanyang asawang si Manases Carpio.