Ipinresenta ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Senate Blue Ribbon Committee ang mga pangunahing reporma sa tax audit framework sa ilalim ng Revenue Memorandum Order (RMO) No. 1-2026.
Layunin ng mga repormang ito na gawing mas patas, predictable, at transparent ang tax audits, kasabay ng pagtugon sa mga hinaing ng taxpayers.
Sa kanyang presentasyon, binanggit ni BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza na bumuo ang Bureau ng technical working group upang repasuhin at magbalangkas ng mga reporma, at nakipagkonsultasyon sa private sector sa pamamagitan ng BIR Partnership with the Multisectoral Group (BIR-PMSG).
Matapos ang konsultasyon, inanunsyo ng BIR at Finance Secretary Frederick Go ang lifting ng audit suspension noong Enero 27 sa pamamagitan ng Revenue Memorandum Circular No. 8-2026 at RMO No. 1-2026.
Kabilang sa mga repormang iniharap ang mas malinaw na depinisyon ng audit authority, ang Single-Instance Audit Framework na naglilimita sa isang Letter of Authority (LOA) kada taxpayer bawat taon, risk-based at system-assisted selection, anonymized assignments, at ang pagbuwag sa special audit task forces gaya ng VAT Audit Section at Large Taxpayers VAT Audit Unit.
Binanggit din ng BIR ang pagpapatibay ng audit discipline, mas mahigpit na review at approval ng assessments, at ang pagpapatupad ng Revalida o Audit-the-Auditor system bilang tuloy-tuloy na pagsusuri sa kalidad at tamang proseso ng audit work.
Ayon kay Mendoza, bahagi ang mga hakbang na ito ng mas malawak na agenda ng BIR DARES (Digital and Data Transformation; Audit Reform and Accountability; Revenue Collection and Base Protection; Employee Empowerment and Welfare Promotion; Service Excellence and Stakeholder Engagement).
Sa pagtatapos ng kanyang presentasyon, tiniyak ni Mendoza na ang bagong audit system ay mas matibay, malinaw ang standards, at may accountability.
Dagdag pa niya, ang reporma ay hindi static at patuloy na susuriin at paiigtingin batay sa resulta ng implementasyon.
















