-- Advertisements --

Nagsampa ng criminal complaint ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) laban sa Lobelle Commodities Corporation at mga opisyal nito dahil sa umano’y abuso sa VAT exemption sa importasyon ng palm olein oil, na nagresulta sa higit P262 milyon na tax liability.

Ayon sa BIR, sakop ng reklamo ang importasyon ng kumpanya noong 3rd at 4th quarter ng 2020, kung saan nabigo itong magbayad ng VAT kahit hindi natugunan ang mga kondisyon para sa exemption.

Sa ilalim ng Tax Code, exempted lamang ang palm olein oil kung gagamitin sa paggawa ng animal feeds at may sertipikasyon mula sa Food and Drug Administration (FDA) na hindi ito angkop para sa pagkain ng tao.

Natuklasan ng imbestigasyon na hindi sangkot ang Lobelle Corporation sa manufacturing, at ang mga imported na produkto ay ibinenta pa sa mga entity na hindi rin gumagawa ng animal feeds. Dagdag pa ng FDA, wala silang natanggap na kahilingan mula sa kumpanya para sa sertipikasyon noong 2020.

Binigyang-diin ni BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza na ang exemption ay isang espesyal na pribilehiyo na dapat gamitin lamang ayon sa batas.

Aniya, “Tax exemptions are granted for specific purposes under the law. They cannot be used loosely or claimed when the conditions are not met.”

Bukod sa Lobelle Corporation, nagsampa rin ng hiwalay na kaso ang BIR laban kina Junn Ryan Tolentino Pucan ng JRT Pucan Meat Stall at Romy Cruzada Claveria ng Yarikata Construction dahil sa hindi pagbabayad ng mahigit P8 milyon na buwis para sa taxable year 2019, sa kabila ng mga final notices mula sa ahensya.