Sinabi ng International Criminal Court (ICC) Registry na patuloy nilang mino-monitor ang kondisyon at galaw ni dating Pangulong Rodrigo Duterte habang nakadetine sa The Hague dahil sa kanyang edad at ilang malalang karamdaman.
Sa pitong pahinang dokumento na may petsang Mayo 20, sinabi ng ICC Registry na itinuturing si Duterte bilang isang detainee na may mataas na panganib na matumba, ngunit wala naman umanong naitalang insidente ng pagkahulog sa nakalipas na 30 araw.
Hindi rin nagbigay ng detalye ang ICC tungkol sa kanyang mga chronic condition dahil sa confidentiality ng medical records.
Ayon sa ICC Registry, sa mga bihirang pagkakataong nawawalan umano siya ng balanse, agad siyang tinutulungan ng detention staff at sinusuri ng medical team.
Nagkaroon na rin umano ng mga pagbabago sa kanyang selda at visiting rooms upang maging mas ligtas at komportable ang kanyang paggalaw.
Dagdag pa ng ICC, tuloy-tuloy ang medical care na ibinibigay kay Duterte habang nakakulong siya kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan ay naging pangulo ng bansa.
















