-- Advertisements --

Inihayag ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na pitong senador na ang pumirma sa partial committee report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control projects.

Ayon kay Lacson, na siya ring chairman ng komite, ang pinakahuling lumagda ay si Sen. Raffy Tulfo. Kabilang sa mga pumirma sa report ang mga senador na sina Erwin Tulfo (vice chair ng komite), Risa Hontiveros, Paolo “Bam” Aquino IV, Francis “Kiko” Pangilinan, Raffy Tulfo, Senate President Vicente “Tito” Sotto III, at mismong si Lacson.

Gayunpaman, sinabi ni Lacson na kulang pa ito sa kinakailangang siyam na lagda upang maisalang sa plenaryo ang pagtalakay at aksyon sa committee report, alinsunod sa rules ng Senado.

Sa kanyang privilege speech, iginiit ni Lacson na halos tatlong buwan nang nakabinbin ang report at binigyang-diin na ang mga nilalaman nito ay hindi na bago at na-validate na rin.

Aniya, nabigyan ang bawat miyembro ng sapat na panahon upang repasuhin ang higit 400 pahinang report at magmungkahi ng pagbabago kung kinakailangan.

Iginagalang naman umano niya ang desisyon ng ilang senador na hindi pumirma, bagama’t hindi siya sumasang-ayon dito.

Samantala, si Sen. Rodante Marcoleta, na kabilang sa minority bloc, ay nagpaliwanag na hindi siya lumagda sa report dahil umano sa isyu ng proseso at dokumentong natanggap niya. Ngunit giit ni Lacson, ang orihinal na kopya ng report ay may pirma na niya at ang digital copy ang opisyal na ipinadala sa mga miyembro.