Nagsagawa ang Russia ng malawakang nuclear exercises kung saan nagpalipad ito ng nuclear-capable missiles at naglabas ng nuclear munitions sa ilang military units sa gitna ng tumitinding tensyon sa NATO kaugnay ng digmaan sa Ukraine.
Ayon sa ulat, humigit-kumulang 64,000 tauhan ang kalahok sa isa sa pinakamalaking nuclear drills ng Russia sa mga nakaraang taon.
Layunin umano nitong subukan ang kahandaan ng kanilang nuclear forces sakaling magkaroon ng agresyon laban sa bansa.
Sa pahayag ni Russian President Vladimir Putin, sinabi niyang ang paggamit ng nuclear weapons ay nananatiling huling kanilang opsyon, ngunit iginiit niyang kailangang manatiling matatag ang nuclear capability ng Russia at Belarus dahil sa lumalaking pandaigdigang banta.
Bilang bahagi ng pagsasanay, nag-test launch din ang Russia ng iba’t ibang missile kabilang ang Yars intercontinental ballistic missile, Zircon hypersonic missile, at Sineva ballistic missile.
Ipinakita rin ng militar ang ilan sa kanilang nuclear submarines at hypersonic missile systems.
Kasabay nito, muling nagpalitan ng maaanghang na pahayag ang Russia at ilang bansang kaalyado ng NATO sa Baltic region.
Inakusahan kasi ng Moscow ang mga bansang Baltic na pinapayagan umano ang paggamit ng kanilang airspace para sa drone attacks laban sa Russia, bagay na itinanggi naman ng NATO.
















