Nagbabala si Polish Prime Minister Donald Tusk ukol sa posibleng pag-atake ng Russia gamit ang mga drone o rocket sa mga bansang miyembro ng NATO na sumusuporta sa Ukraine kabilang ang Poland.
Ayon kay Tusk, maaaring palabasin ng Russia na aksidente lamang ang mga naturang insidente upang mapahina o maparalisa ang desisyon ng NATO na tumugon sakaling tamaan ang teritoryo ng isang miyembro nito.
Sinabi rin ng punong ministro na mas mahirap matukoy ang mga bagong uri ng jet-powered drones dahil mas mabilis at mas mataas ang lipad ng mga ito batay sa intelligence information na natanggap ng Poland mula sa NATO, Ukraine, at United States.
Ibinahagi pa ni Tusk na nakatuon ang Russia sa pag-atake sa mga border crossing upang maantala ang supply lines papuntang Ukraine kaya nakatakda siyang bumiyahe patungong Kyiv upang talakayin kay Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy ang depensa laban sa mga bagong drone at dagdag na sanctions laban sa Russia.
Samantala, inihayag ni US President Donald Trump na may major progress na sa planong pagtatayo ng permanenteng US Army base sa Poland na matagal nang hinihiling ng Warsaw bilang security guarantee laban sa banta ng Russia.















