Tumama ang drone ng Russia sa isang apartment building sa Romania, na isang bansang kasapi ng makapangyarihang military alliance na North Atlantic Treaty Organization (NATO).
Ayon sa Romanian General Inspectorate for Emergency Situations, sumabog ang buong explosive payload ng drone na nagdulot ng malaking sunog sa gusali at ikinasugat ng dalawang katao.
Base sa ulat ng emergency services, nilapatan na ng lunas ang dalawang residenteng nagtamo ng mga galos, habang nasa 70 katao naman ang ligtas na inilikas habang inaapula ang apoy.
Nangyari ang insidente ngayong Biyernes, Mayo 29, sa silangang lungsod ng Galati, na matatagpuan malapit sa border ng Ukraine.
Agad itong kinondena ng Foreign Ministry ng Romania at tinawag na isang “seryoso at walang pakundangang escalation mula sa Russian Federation. Bagamat hindi ito ang unang pagkakataon na may bumagsak na drone ng Russia sa teritoryo ng isang NATO member sa loob ng mahigit apat na taong digmaan sa Ukraine, ito ang kauna-unahang pagkakataon na may mga nasugatang sibilyan sa Romania.
Kasunod ng insidente, nagpatawag agad ng emergency meeting si Romanian President Nicusor San sa Supreme Council of National Defense. Nagpatupad ang konseho ng mga kaukulang hakbang laban sa Russia epektibo kaninang 11:00 ng umaga (local time) o alas-4:00 ng hapon sa Pilipinas.
Idineklara rin ng pangulo ng Romania na ang Russian Federation ang may buong pananagutan sa nangyari.
Bago ang pagsabog, nagpadala na ang Romania ng dalawang F-16 fighter jets upang bantayan ang kanilang airspace matapos ma-detect ang pagpasok ng mga drone. Humiling na rin ang bansa sa mga kaalyado nito sa NATO ng karagdagang anti-drone capabilities.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pahayag o komento ang panig ng Russia hinggil sa insidente, na kinondena ng NATO at European leaders bilang isang “lantaran at seryosong paglabag.”















