-- Advertisements --

Tinanggihan ng Korte Suprema ang hiling na Temporary Restraining Order (TRO) at status quo ante order na naglalayong pilitin ang Senado at ang Senate Blue Ribbon Committee na panatilihin at ilabas ang mga orihinal na draft report ng kanilang imbestigasyon sa maanomalyang flood control mess.

Sa halip na maglabas ng TRO, inutusan ng Korte Suprema ang Senate Blue Ribbon Committee, na pinamumunuan noon ni Senador Panfilo “Ping” Lacson, at committee members na sina Senators Juan Miguel Zubiri, JV Ejercito, at Sherwin Gatchalian, na magsumite ng kanilang komento o paliwanag sa loob ng 15 araw.

Ang mga abogadong sina Eldrige Marvin Aceron, Sikini Labastilla, at Purificacion Bartolome-Bernabe ang naghain ng petisyon na madamus at certiorari upang obligahin ang komite na ilabas ang hindi pa-na-edit o buong bersyon ng draft partial report.

Subalit ayon sa komite, hindi pa opisyal ang partial report at ito ay pinoprotektahan ng deliberative process privilege, upang hindi maapektuhan o takutin ang malayang diskusyon sa loob ng gobyerno.

Ayon naman sa mga petitioner, hindi na maaaring gamitin ng komite ang nasabing pribilehiyo dahil hayagan nang tinalakay at isinapubliko ni Senador Lacson ang mga nilalaman ng draft report sa media, kabilang ang mga rekomendasyon na sampahan ng kasong plunder ang ilang opisyal.