Nagsumite si Akbayan Party-list Representative Percival Cendaña ng counter-affidavit sa kasong libel at cyberlibel na isinampa laban sa kanya ni Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy.
Hiniling ni Cendaña sa Pasig City Prosecutor’s Office na ibasura ang reklamo dahil hindi umano napatunayan ang actual malice, isang mahalagang elemento sa kasong libel at cyberlibel na kinasasangkutan ng public figures.
Itinanggi rin ng mambabatas na mapanira ang kanyang mga pahayag at iginiit na bahagi ang mga ito ng malayang pagpapahayag at patas na komentaryo tungkol sa mga usaping may interes ng publiko, kabilang ang mga imbestigasyon sa human at sex trafficking.
Tinawag ni Cendaña na harassment ang reklamo at hinimok si Quiboloy na sa halip na magsampa ng kaso laban sa mga kritiko, pagtuunan na lamang ang paghahanda sa nakatakdang extradition nito.












