-- Advertisements --

Bumawi si Shai Gilgeous-Alexander matapos pangunahan ang defending champion na Oklahoma City Thunder sa 122-113 panalo laban sa San Antonio Spurs upang itabla sa 1-1 ang kanilang Western Conference finals series.

Matapos mapigilan sa Game 1, bumida ang back-to-back NBA Most Valuable Player sa naiskor na 30 points at siyam na assists para buhayin ang kampanya ng Oklahoma City.

Matapos ang dikdikang unang quarter, rumatsada ang Thunder upang magtayo ng 11-point lead sa halftime.

Nag-ambag rin si Alex Caruso ng 17 points mula sa bench habang nagtala sina Chet Holmgren ng 13 points at tig-12 markers naman sina reserves Jared McCain at Cason Wallace para sa Thunder.

Nagdagdag si Isaiah Hartenstein ng 10 points at 13 rebounds para sa Oklahoma City.

Sa panig ng Spurs, nanguna si Stephon Castle sa naiskor na 25 points habang may 22 points si Devin Vassell. Nagposte naman si Victor Wembanyama ng impresibong 21 points, 17 rebounds, anim na assists at apat na blocks.

Hindi natapos ni Fil-Am guard Dylan Harper ang laro matapos magtamo ng right leg injury sa third quarter.

Humawak ang Thunder ng 11-point lead sa halftime bago nakadikit ang Spurs sa 97-99 may 9:06 minuto pa sa fourth quarter.

Gayunman, sumagot ang Oklahoma City sa pamamagitan ng 11-0 ratsada, tampok ang banked-in three-pointer ni McCain, upang muling makalamang ng 13 points.

Muli pang lumapit ang Spurs sa 113-118 may 1:25 minuto na lamang sa laro matapos pangunahan ni Wembanyama ang kanilang rally, ngunit nagsalpak si Gilgeous-Alexander ng mahahalagang puntos upang tuluyang selyuhan ang panalo ng Thunder.