Binatikos ng human rights advocates ang umano’y delaying tactic ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para mahinto ang paglilitis sa kaniya sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang statement, inihayag ng Duterte Panagutin Network na nakabase sa Europa na hindi na bago sa kanila ang mga pulitiko na ginagamit ang problema sa kalusugan para matakasan ang paglilitis at pagkakakulong.
Dagdag pa ng grupo na nagpasya na ang ICC na “fit” ang dating Pangulo na humarap sa pre-trial proceedings. Ang pagkwestyon aniya ng kampo ni Duterte sa naturang desisyon ay panibagong taktika para pahabain pa ang naantalang justice process.
Ginawa ng grupo ang pahayag kasunod ng inihain ng lead counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman na dalawang bagong apela sa international tribunal.
Kabilang dito ang apela sa naging desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber I na nagdedeklarang fit ang dating Pangulo na makibahagi sa pre-trial proceedings gayundin naghain ang depensa ng apela kaugnay sa desisyon ng pre-trial judges na nagmamandato sa patuloy na pagkakakulong ng former president.
















