Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na nakabalik na ng Pilipinas si dating Department of Public Works an Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan mula sa Taipei sa Taiwan.
Sa isang pahayag, sinabi ng BI na dumating si Bonoan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Linggo, Enero 18 lulan ng isang China Airlines mula sa naturang bansa.
Maliban dito ay wala aniyang kasama ang dating kalihim nang makabalik ng Pilipinas at agad din aniyang ipinagbigay alam ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado sa Department of Justice (DOJ) ang pagbabalik ni Bonoan para na rin sa mga nagpapatuloy na hakbang sa pagtalakay pa rin sa mga isyu na may kaugnayan sa flood-control anomalies.
Matatandaan kasi na inilagay sa BI Lookout Bulletin Order si Bonoan alinsunod na rin sa utos ng DOJ dahil pa rin sa mga naturang isyu na umiikot sa mga anomalyang ito.
Samantala, inaasahan naman ngayon ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) na ang pagbabalik ni Bonoan ay mas makakatulong pa sa kanilang mga imbestigasyon kung saan matatandaan ding inirekomenda ng komisyon ang paghahain ng mga kasong kriminal at administratibo laban sa dating kalihim kaugnay sa P95 milyong halaga ng flood control projects sa Bocaue, Bulacan.
















