-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice na makatitiyak umano ang publiko na kanilang isasampa na sa kaukulang mga korte ang panibagong mga kasong may kinalaman sa maanomalyang flood control projects.

Ayon mismo kay Atty. Polo Martinez, ang tagapagsalita ng naturang kagawaran, inihahanda na raw ang mga reklamong maaring ihain bilang kaso laban sa mga sangkot na opisyal o indibidwal.

Bagama’t hindi pa pormal na naisasampa, aniya’y isinasapinal na ng prosekusyon ang mga ito upang matapos at tuluyang maihain na sa korte.

Dagdag pa niya’y sinusuri pang maigi at binabalik ng mga piskal ang kasong inihahanda laban sa mga sangkot sa anomalya.

Pati ang mga ebidensyang kalakip at nakapaloob sa kaso ay patuloy na isinasailalim sa masusing pagsisiyasat upang maging sapat aniya sa oras na maiakyat na sa korte.

Paliwanag kasi ng naturang tagapagsalita na hindi basta-basta lamang ang pagsasampa ng kaso lalo na sa pamantayan ng ebidensyang sinusunod.

Kinakailangan pa rin daw itong suriin maigi ng prosekusyon bago gawing pinal ang resolusyon at ihain ang kaso sa korte.

Ibinahagi pa ni Atty. Martinez na iba na ang sinusunod na basehan ng ebidensya sa paghahain ng kaso sa korte.

Kung dati kasi na pepwede na ang ‘probable cause’ bilang ebidensya, binago na aniya raw ito at dapat nang ‘prima facie of evidence with reasonable certainty of conviction’.

Sa kasalukuyan, tuloy-tuloy ang pagsasagawa ng kagawaran ng ‘preliminary investigation’ hinggil sa iba’t ibang mga reklamo’t kasong nasa Department of Justice.

Subalit ayon kay Spokesperson Polo Martinez, minamadali na ito ng prosekusyon sapagkat mahalaga at kritikal aniya ang naturang isyu sa flood control.