Uusad na sa Kamara de Representantes ang imbestigasyon hinggil sa umano’y maanomaliyang pagbili ng Department of Health (DOH) ng mga Mobile Primary Care Facilities (MPCF) matapos itong pormal na suportahan ng malaking bloke ng National Unity Party (NUP).
Kinatigan ng NUP ang naging panawagan ni Quezon City 3rd District Rep. Franz Pumaren na isailalim sa isang legislative inquiry ang ahensya.
Puntirya ng isusulong na pagdinig na himayin ang naging sistema ng procurement, oversight, at ang mismong pagpapatupad sa bilyun-bilyong pisong programa ng kagawaran.
Binigyang-diin ni NUP Chairperson at Deputy Speaker Ronaldo Puno na hindi dapat palagpasin ang isyu at nararapat itong mabusisi dahil buwis ng taumbayan ang ginamit dito.
Ayon kay Puno, aabot sa P1.8 bilyon ang pampublikong pondo na nakalaan para sa proyekto, kaya’t mahigpit nilang inoobliga ang pamunuan ng DOH na magbigay ng malinaw at detalyadong paliwanag sa Kongreso.
Ang aksyon ng mga mambabatas ay nag-ugat matapos sampahan ng pormal na reklamo sa Office of the Ombudsman ang ilang matataas na opisyal ng DOH.
Kabilang sa mga pangunahing inirereklamo ay si Health Secretary Teodoro Herbosa, na idinadawit ngayon sa isyu ng umano’y bid rigging at iba pang iregularidad sa kabuuang procurement process ng mga nasabing mobile clinics.
















