Ipapatupad ng Department of Justice (DOJ) ang four-day onsite workweek bilang bahagi ng hakbang ng ahensya na makatipid sa kuryente at gasolina sa gitna ng patuloy na tensyon sa Middle East.
Sa ilalim ng bagong iskedyul, papasok ang mga kawani sa opisina mula Lunes hanggang Huwebes, habang ipapatupad naman ang mandatory work-from-home tuwing Biyernes.
Ayon sa ahensya, inaasahang makakatipid ang DOJ ng aabot sa 20,142 kilowatt-hours ng kuryente kada buwan dahil sa nasabing polisiya.
Kaugnay nito, umapela si Justice Secretary Fredderick Vida sa mga empleyado ng DOJ na palawigin ang nasabing hakbang at isabuhay ang pagtitipid sa enerhiya at fuel maging sa kani-kanilang mga bahay.
Ang inisyatibong ito ng DOJ ay kasabay ng mga ginagawang hakbang ng pambansang pamahalaan upang maibsan ang epekto ng krisis sa langis.
Matatandaang noong nakaraang linggo, isinailalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa urgent certification ang panukalang batas na magbibigay sa kanya ng emergency powers upang isuspinde o bawasan ang excise tax sa petrolyo.
Samantala, lumusot na rin noong Marso 12 ang Senate counterpart ng nasabing panukala sa Joint Senate committees on energy gayundin sa komite ng ways and means.
















