Isinagawa na ng Department of Justice ang unang preliminary investigation sa mga reklamong inihain ng Securities and Exchange Commission laban sa mga Villar at kumpanya.
Bagama’t ‘no show’ ang mga Villar sa naganap na pagdinig, humarap at inirepresenta naman sila ng kani-kanilang mga abogado ngayong araw.
Ayon kay Senior Deputy State Prosecutor Peter Ong, iisa lamang ang nagsumite ng ‘counter-affidavit’ sa prosekusyon na si Garth Castañeda.
Ang iba naman ay hindi naghain ng kontra-salaysay sapagkat aniya’y ang mga ito’y nagpadala sa kanilang tanggapan ng ‘omnibus motion’.
Ibinahagi ni Prosecutor Ong na kalakip sa mosyon isinumite ng respondents ay masuspinde ang pagsasagawa ng preliminary investigation, ma-recall ang subpoena at ibalik ang kaso sa Securities and Exchange Commission.
Kung kaya’t aniya’y itinuring ng prosekusyon ito bilang ‘motion to dismiss’ na magsisilbi namang ‘counter-affidavits’ ng mga respondents.
Subalit ayon sa abogado ng kampo ng mga inirereklamo’y maghahain pa rin sila ng hiwalay na kontra-salaysay sa prosekusyon.
Habang pinagbigyan ng panel of prosecutors ang hiling nila na karagdagang palugit o panahon para makapaghain ng kani-kanilang mga counter-affidavits.
Kabilang sa mga inirereklamo ay ang kumpanyang Villar Land Holdings Corporation, Manuel Villar Jr, Cynthia Villar, Cynthia Javarez, Camille Villar, Mark Villar at iba pa.
Nahaharap sila sa reklamong paglabag sa Sections 24.1 (b), 24.1 (d) 26.3, 27.1 ng Republic Act No. 8799, o market manipulation, insider trading at misleading disclosures.
















